Monday, June 9, 2008

Talambuhay ni Jan Lumanta

Si Jan Louenn L. Lumanta ay ipinanganak noong 3:15 ng hapon ng ika-5 ng Mayo taong 1987 sa Siyudad ng Dipolog, lalawigan ng Zamboanga del Norte. Ang kanyang mga magulang na sina Charles Pernia Lumanta at Adelfa Yap Labisig, bagamat kapwa mga inhinyero, ay nagmula lamang sa mahihirap na pamilya. Dagdag pa nito, maagang nagpakasal ang dalawa at nag-umpisang magpamilya. Ang kanyang ina ay dalawampu’t isang taong gulang ng ipinanganak si Jan. Ang kanyang ama naman ay dalawampu’t apat. Ganunpaman, ang kahirapan ay hindi naging hadlang upang palakihin nila ang kanilang panganay na anak na mayaman sa pagmamahal.
Ang pamilyang Lumanta ay “lumad” o “native” na taga-Dipolog. Ayon sa ginawang pag-aaral ng pamilya, ang kanuno-nunuan na mga Lumanta ay may dugong bughaw sa tribo ng mga Subanen sa Zamboanga del Norte. Ang mga Labisig ay “lumad” din na taga-Zamboanga del Norte. Ang lola naman ni Jan sa panig ng kanyang tatay ay galing sa tanyag na pamilyang Lecaros sa Gasan, Marinduque. Ang apilyedong Pernia naman ay nagmula sa Bohol
Makalipas ang dalawang buwan, si Jan ay bininyagan sa Katedral ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario sa Dipolog. Dito unang ipinagkaloob ng kanyang mga magulang si Jan sa Diyos. Ito ay tanda rin ng kanilang labis na pagpapasalamat sa pagkakaroon nila ng pogi at mala-anghel na anak. Ika-4 noon ng Hulyo ng taon ding 1987, na sa kalendaryo ng mga Intsik ay Taon ng Kuneho. Ang nagbinyag sa kanya ay si Reberendo Padre Anacleto Pellano. Ito ang unang engkuwentro ni Jan sa isang pari. Ang paring iyon ay nagulat sa kakaibang pangalan at nagkomento pa nga na parang katunog daw ng “loin” ng baboy. Ayon sa nanay ni Jan, ang pangalan daw na “Louenn” ay galing sa salitang “lowen” na nakita niya sa “footnote” ng isang nobela. Hindi niya alam ang kahulugan nito. Nagandahan lamang siya sa salitang ito kaya ipinangalan niya ito sa kanyang anak. Binago nga lang niya ang baybay. Naging uso rin noon ang pagpapangalan sa mga bata ng dalawang pangalan. Karl Louenn sana ang pangalang ibibigay. Subalit, sa kagustuhan din ng nanay na may kapangalan itong santo, naisipan nito si San Juan Bautista—ang santong naghanda sa puso ng mga tao at nagbigay ng daan para sa pagdating ng Mesiyas. Kaya ibinigay nito ang pangalang “Jan”. Ang pangalang “John” o “Jan” ay nangangahulugang “Ang Diyos ay Mapagpala”. Ang pangalan o salitang “Louenn’ ay walang kahulugan. Kaya si Jan na lang ang nagbigay nito ng angkop na kahulugan: ang mapagmahal.
Si Jan ay nagkaroon ng isang kapatid na babae isang taon mahigit makalipas siyang ipinanganak. Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Giselle Rose. Si Giselle Rose sa kasalukuyan ay isang estudyante ng nursing sa isang kolehiyo sa Dipolog. Ang kapatid niyang ito, bagamat masungit, ay palihim ngunit tunay nga namang humahanga sa kanyang mabait at matalinong kuya na nagpakita sa kanya ng tunay na pagmamahal ng isang nakakatandang kapatid.
Tatlong taong gulang si Jan ng kanyang masumpungan ang kagandahan ng Santa Misa—ang sakramento ng Simbahang Katolika na kanyang sinasampalatayanan na nagbibigay ng katawan at dugo ni Kristo. Dito rin unang umusbong sa puso ni Jan ang bokasyon sa pagpapari. Sa mga panahong iyon, habang ang ibang mga bata ay nagtatakbuhan at naglalaro ng giyera sa labas, si Jan ay nasa loob at nagmimisa-misa. Gamit ay kaunting Marie Biscuits at Coke, at suot-suot ay ang t-shirt ng kanyang lolo, siya ay nagmimisa-misa kasama ang kanyang kapatid. Kapansin-pansin rin sa napakaraming litrato noong kabataan ni Jan ang palagian nitong paghawak ng mikropono. Ito marahil ay isang senyales kung magiging ano siya sa hinaharap—isang madaldal na tao.
Lumaki si Jan sa isang “extended” na pamilya na nakatira sa iisang bubong. Dahil dito napalapit si Jan ng masyado sa kanyang lolo at lola sa panig ng kanyang tatay. Namulat si Jan nang natutulog sa tabi ng kanyang lolo at lola. Ito ay nagsarili lamang noong ito ay nasa second year hayskul na. Ang kanyang lola, na si Ginang Rosario Lumanta, ang unang nagdala nito sa paaralan sapagkat ito’y isang titser at naging prinsipal sa elementarya. Lagi niyang isinasama si Jan sa paaralan. Nagkaroon pa nga ng koleksyon ang mabuting lola ng mga “drawings” ni Jan na pawang mga larawan ng mga Santo, ni Kristo, at ng mga pari. Bagamat mas natutuwa sa kanyang pagmimisa-misa, si Jan din naman ay nakahiligan din noon na maglaro ng basketbol, taguan, habulan, patintero, at teks.
Matapos nitong tapusin ang kanyang Kinder 1 at Kinder 2, si Jan ay tumuntong sa Unang Baitang noong taong 1994. Siya ay nag-aral sa Paaralang Halimbawang Panaguyod ng Dipolog (Dipolog Pilot Demonstration School). Tumanggap siya ng Unang Karangalan mula Unang Baitang hanggang Ikaanim na Baitang. Nagtapos siya bilang “Valedictorian” ng paaralang ito noong taong 2000. Madalas naging pambato si Jan sa mga paligsahan sa pagtula at balagtasan. Ang lola nito ay isang Filipino titser kaya madalas din itong nananalo sa mga paligsahan. Nakahiligan din ni Jan ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas noong siya ay nasa elementarya. Nagkampeon siya sa District, Division at Regional Super Quiz Bee sa kategoryang Philippine History at Culture. Nakakuha lamang siya ikalimang puwesto sa National Level na ginanap sa Subic.
Bagamat napanatili ni Jan ang kanyang “Honors” hanggang hayskul, naging kontrobersyal ang hindi nito pagtapos bilang “Valedictorian” sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Zamboanga del Norte (Zamboanga del Norte National High School). Si Jan ay nakilala bilang tagapagtanggol ng mga naaaping estudyante habang ito ay nasa Student Government. Naging Governor ito noong ito’y nasa Unang Taon, nahalal muli bilang Governor noong Ikalawang Taon, Vice President noong Ikatlong Taon at President noong ikaapat na taon. Nahalal din ito ng dalawang beses bilang President ng Student Government Federation ng Dipolog. Pinili rin ito bilang pangulo ng Division at Regional Editor’s Guild, Interact Club of Dipolog ng Rotary Club, at ng Philippine Society of Youth Science Clubs Dipolog Chapter. Noong ito ay President ng Student Government, nagpatayo siya sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga donasyon ng isang basketball court sa Campus 2 ng nasabing paaralan. Nagtayo din ito ng mga programa laban sa droga at paninigarilyo sa loob ng paaralan. Nagbigay rin ito ng karagdagang mga libro, magazine, at bookstand sa dalawang library ng paaralan. Ipinaglaban nito ang pagkakaroon ng Intramural Meet laban sa prinsipal nila na nagpahinto nito dalawang taon na ang lumipas. Sa kanyang pamumuno, ipinaglaban niya ang mga estudyanteng minamarkahan ng zero sa tuwing may exam kapag nagkataon na ito’y wala sa klase gawa ng ito’y may sinasalihang paligsahan o seminar. Ito’y umabot sa opisina ng kalihim ng edukasyon na ikinahiya ng mga gurong na-involve. Ganunpaman, maraming natutunan si Jan sa karanasang ito. Dahil sa mga karanasang ito ay ipinagkaloob ng Regional Office ng DepEd kay Jan ang isang award: Most Outstanding Student Government Officer of Region IX.
Nakakapagod para kay Jan ang pagsali sa iba’t ibang gawaing pampaaralan gaya ng mga kontest at mga seminar.. Mayabang man pakinggan pero wala siyang maggawa sa ngalan ng paglilingkod at pagbibigay karangalan. Siya rin ang napipiling kontestant sa mga patimpalak sa kasaysayan noon. Ito ang nakakakuha ng unang gantimpala sa mga ganoong klaseng patimpalak. Siya rin madalas nakukuha sa mga Science Fairs- patimpalak sa paggawa ng mga investigatory project. Ang kanyang investigatory project noong first year hayskul (Electromagnetic Field: Cyanobacteria Algae Cell Multiplier) at noong third year hayskul (Microorganisms in Bamboo: Agent in Pig farm Odor Control and Elimination) ay kapwa nanalo sa Regional Science Fairs at pawang nag-qualify sa National Science Fairs na ginanap sa UP Diliman noon. Bukod pa roon, siya ay nag-qualify ng apat na beses sa National Schools Press Conference (mula First Year hanggang Fourth Year) na ginanap sa Dagupan City, General Santos City, Cebu City, at Sta. Cruz, Laguna. Sa Sta. Cruz, Laguna, tinanggap niya ang isang gantimpala bilang isa sa mga Most Outstanding Student Journalist of the Philippines.
Habang nasa hayskul ay nilinang din ni Jan ang kanyang talento sa musika. Si Jan ay isang musikero. Mahilig siyang kumanta sa karaoke o di kaya gamit ang kanyang gitara. Ang isang koro na kanyang sinalihan noong siya ay nasa second year ay nanalo ng ikalawang puwesto sa isang international competition. Sa hayskul, miyembro siya ng school band. Gamit niya sa bandang ito ay isang alto saxophone. Marunong siyang tumugtog ng kahit anong uri ng saxophone, flute, at glockenspiel.
Kung aktibo si Jan sa paaralan, mas aktibo siya sa Simbahan. Grade 4 ng siya ay maging isang Sakristan. Naging Lector din siya noong siya ay Grade 5. Nag-aral din siya ng Layman’s Biblical Theology Course na bigay ng parokya at naging miyembro ng Catholic Faith Defenders, Inc., Siya rin ay miyembro ng Youth for Christ, Legion of Mary, Confraternity of Our Lady of Lourdes, at Apostleship of Prayer.
Nang siya ay magtapos ng hayskul, pinili nitong mag-aral ng kolehiyo sa UP Los BaƱos sa kursong Bachelor of Science in Agricultural Economics. Dito, naging miyembro siya ng Gamma Sigma Delta Honor Society. Dito rin niya nakilala ang itinuturing na niya bilang isa sa mga pinakaimportanteng tao sa kanyang buhay, ang kanyang nag-iisang bestfriend na si Kirsty Angelie Verceluz.
Habang nasa kolehiyo ay ipinagpatuloy ni Jan ang kanyang paglilingkod sa simbahan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagiging sakristan sa Parokya ni Sta. Teresa ng Batang Hesus, ang parokyang nakabase sa UPLB. Sa kasalukuyan ay naglilingkod din si Jan bilang President at Coordinator ng Parish Youth Ministry. Naniniwala si Jan sa sinabi ni Rizal na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan. Sa ganoong pananaw rin niya tinitingnan ang kabataan bilang pag-asa ng Simbahan. Kung magiging ano si Jan sa kinabukasan ay kasaysayan na ang maghuhusga.

No comments: